Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書


Lucas 6

Araw ng Sabat
    1Nangyari, sa ikalawang araw ng Sabat pagkaraan ng una, si Jesus ay dumaan sa triguhan. Ang mga alagad niya ay pumigtal ng mga uhay. Ito ay nililigis nila sa kanilang mga kamay at kinakain. 2Sinabi ng ilang Fariseo sa kanila: Bakit ginagawa ninyo ang ipinagbabawal gawin sa araw ng Sabat?
    3Sumagot si Jesus. Sinabi niya: Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David ng magutom siya at ang mga kasama niya? 4Hindi ba pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinuha ang tinapay na handog? Kinain niya ito at binigyan din ang kaniyang mga kasama. Ito ay bawal kainin maliban ng mga saserdote. 5Sinabi niya sa kanila: Ang Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.
    6Nangyari din, sa iba pang araw ng Sabat, na pumasok siya sa isang sinagoga at nagturo. Mayroon doong isang lalaki na ang kanang kamay ay nanunuyot. 7Minamatyagan siya ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo kung siya ay magpapagaling sa araw ng Sabat. Ito ay upang makakita sila ng maipaparatang laban sa kaniya. 8Alam ni Jesus ang kanilang iniisip. Sinabi niya sa lalaking nanunuyot ang kamay: Tumindig ka at tumayo sa gitna. Tumindig nga siya at tumayo doon.
    9Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila: Magtatanong ako sa inyo. Naaayon ba sa batas ang gumawa ng kabutihan o gumawa ng kasamaan sa araw ng Sabat? Ang magligtas ng buhay o pumatay?
    10Tiningnan niya ang bawat isa sa palibot. Pagkatingin niya, sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Ginawa niya ang gayon at ang kaniyang kamay ay nanauli sa dati na malusog tulad ng isa. 11Ngunit nagngitngit sila sa galit. Nagsanggunian sila sa isa't isa kung ano ang gagawin nila kay Jesus.

Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Alagad
    12Nangyari, noong mga araw na iyon, siya ay pumunta sa bundok upang manalangin. Nanalangin siya sa Diyos sa buong magdamag. 13Nang mag-uumaga na, tinawag niya ang kaniyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol. 14Ang mga ito ay sina Simeon, na tinagurian din niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid. Ang iba ay sina Santiago at Juan, Felipe at Bartolome. 15Kasama rin si Mateo, si Tomas, si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Simon na tinatawag na Makabayan. 16Kasama rin si Judas na kapatid ni Santiago at si Judas na taga-Keriot, na siyang naging taksil.
    17Si Jesus ay bumabang kasama nila at tumayo sa isang patag na dako. Pumunta roon ang karamihan ng kaniyang mga alagad at mga tao na lubhang marami. Ang mga tao ay nanggaling sa buong Judea at Jerusalem at sa baybaying dagat ng Tiro at Sidon. Sila ay pumunta roon upang makinig sa kaniya at mapagaling ang kanilang mga sakit. 18Ang mga ginugulo ng mga karumal-dumal na espiritu ay dumating din at sila rin ay pinagaling. 19Hinangad ng lahat ng mga tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang lumalabas sa kaniya na nagpapagaling sa kanilang lahat.

Ang Pahayag ng Pagpapala at Pagkaaba
    20Tumingin si Jesus sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Pinagpala kayong mga mapagpakumbaba sapagkat sa inyo ang paghahari ng Diyos. 21Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon sapagkat kayo ay bubusugin. Pinagpala kayong umiiyak ngayon sapagkat kayo ay tatawa na may galak. 22Pinagpala kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at kapag itinatakwil nila kayo. Pinagpala kayo kung pinapahiya kayo ng mga tao at itinuturing nila ang inyong pangalan na tulad sa masama. Pinagpala kayo kapag ang mga ito ay ginawa sa inyo dahil sa akin na Anak ng Tao.
    23Magalak kayo sa araw na iyon at lumukso sa kagalakan. Narito, malaki ang gantimpala ninyo sa langit. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga propeta.
    24Sa aba ninyo na mayayaman sapagkat tinatanggap ninyo ang inyong kaaliwan. 25Sa aba ninyo na mga busog sapagkat kayo ay magugutom. Sa aba ninyo na tumatawa ngayon sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis. 26Sa aba ninyo kung ang lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti patungkol sa inyo. Ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa mga bulaang propeta.

Ibigin mo ang Iyong Kaaway
    27Sinasabi ko sa inyo na nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. 28Sabihin ninyo ang mabubuti sa mga nanunungayaw sa inyo. Ipanalangin ninyo sila na umaalipusta sa inyo. 29Iharap mo ang kabila mong pisngi sa kaniya na sumampal sa iyo. Huwag mong ipagkait ang iyong balabal sa kaniya na kumuha ng iyong damit. 30Magbigay ka sa bawat isang humihingi sa iyo. Huwag mo nang bawiin ang iyong mga pag-aari sa kumuha nito sa iyo. 31Ayon sa nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gawin din ninyo ang gayon sa kanila.
    32Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung iniibig ninyo ang mga umiibig sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. 33Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung gumagawa kayo ng mabuti sa kanila na gumagawa ng mabuti sa inyo? Ito ay sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan. 34Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung magpapahiram kayo sa kanila na inaasahan ninyong makakapagbigay sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan upang sila ay tumanggap din ng gayon. 35Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit at ang gantimpala ninyo ay magiging malaki. Kayo ay magiging mga anak ng kataas-taasan sapagkat siya ay mabuti sa mga hindi mapagpasalamat at sa mga masasama. 36Maging mga maawain nga kayo, gaya rin naman ng inyong Ama na maawain.
    37Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Huwag kayong magbigay hatol upang hindi kayo bigyang hatol. Magpatawad kayo upang kayo ay patawarin. 38Magbigay kayo at ito ay ibibigay sa inyo, mabuting sukat, siniksik, niliglig at umaapaw sapagkat ang panukat na inyong ipinangsukat ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.

Ang Talinghaga Patungkol sa Pagkabulag
    39Isang talinghaga ang sinabi niya sa kanila. Makakaakay ba ng bulag ang isang bulag? Hindi ba kapwa silang mahuhulog sa hukay? 40Ang isang alagad ay hindi higit sa kaniyang guro. Ang bawat isang alagad ay magiging katulad ng kaniyang guro kung sila ay lubos nang handa.

Ang Paghatol sa Iba
    41Bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa sarili mong mata? 42Paano mo masasabi sa iyong kapatid: Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata kung hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong mata? Ikaw na mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang troso na nasa iyong mata. Pagka-alis mo nito, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

Ang Puno at ang Bunga Nito
    43Sapagkat ang mabuting punong-kahoy ay hindi namumunga ng masamang bunga. Gayundin naman, ang masamang punong-kahoy ay hindi namumunga ng mabuting bunga. 44Ang bawat punong-kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagkat ang mga tao ay hindi nangangalap ng igos sa mga tinik. Hindi rin sila nangangalap ng ubas sa mga dawag. 45Ang mabuting tao ay nagbubunga ng mabuti mula sa mabuting kayamanan na nasa kaniyang puso. Ang masamang tao ay nagbubunga ng masama mula sa masamang kayamanan na nasa kaniyang puso, sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay sinasalita ng bibig.

Ang Matalino at Mangmang na Tagapagtayo
    46Bakit ninyo ako tinatawag na: Panginoon, Panginoon, at hindi ninyo ginagawa ang aking sinasabi? 47Ang isang tao ay lumalapit sa akin at nakikinig ng aking mga salita at gumagawa nito. Ipapakita ko sa inyo kung kanino katulad ang taong ito. 48Siya ay katulad ng isang lalaki na nagtayo ng isang bahay. Naghukay siya ng malalim at naglagay ng saligan sa bato. Nang magkaroon ng baha, ang agos ay sumalpok ng malakas sa bahay na iyon. Ang bahay ay hindi natinag sapagkat ito ay itinayo sa bato. 49Ngunit siya na nakarinig at hindi gumawa ay tulad ng isang tao na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na walang saligan. Ang agos ay sumalpok ng malakas sa bahay at pagdaka, ito ay bumagsak. Ang pinsala ng bahay na iyon ay lubhang malaki.


Tagalog Bible Menu